top of page

Anthologies

​Kathang-Isip Mga Kuwentong Fantastiko

Ateneo de Manila University Press

(kasamang editor si Rolando B. Tolentino)



​Managinip ng mga pagkahulog. Kilalanin ang motorsiklong  may sariling isip. Matakot sa totoong aswang at tunghayan ang paglamon ng makina sa isang katawan. Pumasok sa naiibang syudad at panoorin ang peryang kasuklam-suklam. Makonsensiya sa pakikipagsabwatan sa makapangyarihan at tumakas tulad ng isang pusang gala.  Sa numero ba nakasalalay ang iyong kapalaran? Nakakita ka na ba ng aparisyon?  Basahin sa palad  ang higanti ng api.  Kalabanin ang pamantayan ng sining. Ano ang mukha ng dahas? Paano mabubuko ang pekeng himala? Saksihan ang panulat na naging armas.

​

Kathang-isip, mga kuwento ito ng fantasya sa realidad ng ating panahon:  kung paano tayo pinaniwala ng lipunan at estado na maging kampante sa gitna ng ligalig. Dito papasukin ang politika ng imahinasyon habang nagtatahi ng mga pangyayaring bubuo sa ating pagkatao at pagiging mamamayan.  Samahan ninyo kami sa pagsuong sa mundo ng posibilidad at trahedya, ng krimen at kaligtasan, at ng paggigiit sa kinalimutang katarungan.

​Pagtatagpo sa Kabilang Dulo: Panitikang Testimonyal ng Desaparecidos

inilathala ng Amado V. Hernandez Resource Center at Desaparecidos

(kasamang editor si Rolando B. Tolentino)



Sa tulong mismo ng mga taga-Desaparecidos at KARAPATAN, naglikom ng iba’t ibang nakasulat na memorabilya mula sa mga indibidwal na sapilitang dinukot.  Sa tulong ni Ipe, nakakolekta ng mga personal na testimonya, mga liham, aktwal na mga salaysay, polyeto, liham ng pagsuporta at iba pang mga tula at naratibong magsisiwalat ng mga katotohanang naranasan ng mga dinukot at ng kanilang mga pamilya.  Sa pamamagitan ng mga manuskritong ito, ang mga indibidwal na sapilitang dinukot ay ating makikilala. Sa ganito, matutuklasan natin na kung kailan sila nawala, higit natin silang naikita. At ang piring itinali sa mata ng mga biktima’y tatanggalin sa mga kaanak at mga taong may malasakit sa paghahanap ng tunay na hustisya. Sa pamamagitan nito, may bahagi na nang paghahanap ang maaaring tuldukan. Ito ang nakitang katotohanan na hindi nananatiling biktima ang mga kaanak, sa halip sila’y bahagi na ngayon ng pakikipaglaban.

​

Progressive Filipino Art, Culture and Education

© 2012 by SAMANTA JONES

bottom of page